Sign Up |  Login

     
 
    My Blog |  Popular Posts |  Top 100 Blogs |  Recent Blogs |  Random Blogs |  Write a Blog |  Manage Categories  
   View Blog
 
 assignment to sa filipino...la lang^___^
Hindi makabasag-pinggan ang katahimikan sa loob ng kwarto ko. Tamang-tama para sa katulad kong takaw-tulog. Malapit na ring magtakip-silim pero himalang ayaw pa rin akong dalawin ng antok. Nakahiga lang ako sa kama, nag-iilusyon at nagbibilang ng tupa.

Napabalikwas ako sa kama ng makarinig ako ng sasakyang bigla na lang iprineno ng  kung sinong mamang nagmamaneho nito. Sinabayan pa kasi ng malakas na sigaw ng kung sinong babae na malamang eh nagulat din sa mga pangyayari.

Wala naman akong pakialam. Kung sino ang nakasagasa at kung sino ang nasagasaan. Binuksan ko ang bintana. Hindi ko naiwasang mag-usisa.  Sa mismong harap ng bahay namin, nakahinto ang isang traysikel. Natatakpan ang kung sinong taong nakahandusay sa daan. Malamang siya yung nasagasaan.

Halata sa mukha ng drayber ang pag-aalala. Naghahanapbuhay na nga lang nakasagasa pa. Naiisip niiya siguro na sa araw na ito isa siya sa mga sinamang palad at pinaglaruan ng tadhana.

Bukal naman sa loob ng mga nakasaksi ang tumulong. Ang babae namang sumigaw kanina ay nanonood na lamang sa mga pangyayari. Nagpaliwanag ang drayber, mataman namang nakinig ang isang saksi at ang isa naman ay binuhat ang taong nakahandusay para isakay sa loob ng traysikel at itakbo patungo ng ospital.

Natapos ang madamdaming eksena. Na parang pangkaraniwan na lang sa akin ngayon. Hindi naman din mababaw ang luha ko para iyakan dahil sa awa ang taong hindi sinasadyang masagasaan. At wala na rin naman akong pakialam kung sino man siya. 

***

Humahapdi na ang bituka ko, noon ko lang naisip na hindi pa pala ako kumakain ng kahit ano. Hindi na rin ako nakatulog. Bibili sana ko ng pagkain sa labas, nakalimutan kong butas pala ang bulsa ko. Araw-araw kasi akong nagbibilang ng poste. Kung hanggang kailan, hindi ko alam. Sino nga ba naman ang magbibigay ng trabaho sa utak-biyang katulad ko. Hindi man lang nakatapos ng kolehiyo. Walang maipagamalaki. Walang magandang hinaharap. Walang kahit ano.

Makitid daw ang pag-iisip ko. Yun ang palagi kong naririnig ko sa mga magulang ko. Araw-araw. Kaya hindi mo ako masisisi kung pinipili ko na lang na magtaingang-kawali. Bato na ang puso ko. Sawa na ako. Sabi nila wala raw akong silbi. Na unti-unting pinaniniwalaan na din ng aking sarili.

Kung tutuusin, may utang na loob naman ako sa mga magulang ko. Ginagalang ko sila, nirerespeto. Pero isang gabi, nalaman ko na lang na putok pala ako sa buho. Hindi ko totoong tatay ang kinikilala kong haligi ng tahanan. Ako pala ang dahilan kung bakit palagi na lang silang nag-aaway. Kaya pala pati ang nanay ko, gusto na rin akong itakwil. Kaya pala pareho silang galit sa akin. Nauunawaan ko ang tatay ko, hindi nga naman madaling tanggapin na naiputan ka sa ulo. Pakiramdam ko, hindi nila ko kaanu-ano.Na sampid bakod lang ako. Pakiramdam ko. Tama sila. Wala ngang silbi ang buhay ko.


****
 
Dahil sa pagkainip. Lumabas ako ng bahay. Namumuti na rin ang mga mata ko sa kahihintay sa pag-asa. Wala naman na atang magbabago pa. Paulit-ulit lang din naman ang mangyayari. Pagod. Sawa. Wala na akong magagawa. Ayoko ng magpatuloy pa sa paglalakad sa maruming kalsada. Huminto ako. Hindi pinansin ang mabilis na nagpapatakbong mama ng kanyang pampasaherong traysikel. Humandusay ako. Duguan. Narinig ko pa ang babaeng sumigaw. Ako pala ang nasagasaan. Pero wala akong pakialam. Dinala nila ko sa ospital, pero doon na ako inabutan ng kamatayan.
    Posted by shigatsu_no_hibi on 2008-02-15 08:38:51 | Rating: | Views: 38
    Email This to a Friend            Print This Blog Post  

  Bookmark:
Permalink:  
   Blog Comments

Nothing found
Would you like to comment?

    (Maximum characters: 5000)
    You have characters left.
  
  Security code:  
                        
                         Refresh Image
                         
  Blog Information
 

shigatsu_no_hibi
Philippines

Latest Posts

 I'm craving for...
 assignment to sa...
 stupidity: softball...
 anathema that is..
 A poem she made just...

shigatsu_no_hibi's Links

 my...

Blog Categories

 Nothing found

Blog Archive

 February 2008 (6)

Comment Archives

 No comments found